Sa Labas

Ano ba ang halaga ng isang ama para sa’yo?

Mahal mo ba ang tatay mo? Kasama mo ba siya hanggang sa paglaki mo?

Siguro, ang sarap ng pakiramdam ng may kasamang tatay sa araw-araw. Si Daddy, minsan ko lang siya nakikita. Sabi ni Mommy nung maliliit pa kami, sa Maynila daw nagtatrabaho ang Daddy ko – ang Daddy namin ng nakababatang kapatid ko na si Allan. Naisip ko dati, masyado lang siyang dedicated sa pagtatrabaho, kaya kung minsan lang siya nakakauwi dito sa probinsya. Ang mga pinsan ko lang ang nakikita ko. Ang pinagtataka ko nga lang, bakit hindi kami maaaring bumisita sa kanya sa trabaho?

Nung bata pa lamang ako, naiinggit ako sa mga kaklase kong kasa-kasama nila pareho ang ama’t ina nila sa mahahalagang araw ng kanilang buhay. Hindi naman pabaya ang aking ama. Sa totoo nga, isa siyang mabuting ama sa amin. Lahat ng pangangailangan namin ay pinunan at hinigitan pa niya. Yun nga lang, hinahanap ko siya sa tuwing kukuha ng class cards, aaykat sa stage kung may matatanggap na award, o di kaya’y magsisimba tuwing linggo. Si Mommy lang kasi ang lagi naming kasama sa mga simpleng okasyon tulad noon. Kung minsan nga, wala pa.

Ninais kong makita si Daddy sa Maynila, dalawin man lang siya. Gusto ko malaman kung bakit laging pinupunan na lamang ng mga kamag-anak namin ang pisikal na pagkawala niya sa aming buhay. Dati-rati, sa amin siya nagbabagong-taon. Pero nitong nakalipas na 4 na taon, hindi man lang siya bumibisita o kaya’y tumatawag man lang.

Nagkatotoo na nga ang matagal kong kutob simula pa noong ako’y 12 taon. May ibang pamilya si Daddy. Pangatlo na niya. At pangalawa kami.

Anak ako sa labas kung kaya’t wala akong karapatang humingi ng napakaraming oras mula sa kanya. Nauunawaan kong mahirap ang sitwasyon ni Daddy. Gustuhin ko mang magalit sa kanya, alam kong wala ako sa lugar upang hingan siya ng paliwanag.

Nakilala ko si Kuya Mark noong 15 taon ako. Sinama siya ni Daddy noon sa probinsiya. Tuwang tuwa sa kanya noon ang mga tito’t tita ko. At hinangaan ko siya dahil isa siyang edukadong tao galing sa Maynila. Mga 9 na taon siguro ang tanda niya sa’kin. Naisip ko pa nga dati, gusto kong maging tulad niya. Hindi ko naman inakalang siya pala ay kadugo ko – sa ama.
Maraming nagsasabi na magkahawig kami ni Kuya Mark. Sa totoo lang, imbes na masaktan o mainis ako, parang natuwa pa nga ako noon na meron akong Kuya. Hindi pa alam noon ni Allan meron pa siyang isang Kuya.

Dumaan ang mga taon, nagkaroon na rin ako ng sarili kong pamilya. Laking saya ko na kasama ko ang aking mga magulang para masaksihan ang pagtitipon na ito. “Alvin, sana’y maging mabuti kang asawa kay Janine. Huwag mo sana akong tularan.”

Hindi man inamin sa’kin ni Daddy ang mga pagkakamali niya, alam kong marami siyang nagawang pinagsisisihan niya. Hindi ako nagalit. At naintindihan ko siya. Naging matipid man siya sa salita, binigyan naman niya ako ng pansin at pagmamahal sa tuwing makakasama ko siya.

Ngayong simula ng taon, nawala sa’kin sa Daddy – sa amin ni Allan ng tuluyan. Ibinalita na lamang sa amin na nasa funeraria na siya. Hindi man lang siya nagpaalam. At hindi man lamang namin siya nabisita habang nasa pagamutan siya. Nayakap ko man lang sana siya bago siya tuluyang malagutan ng hininga.

Apat na araw nang nakaburol si Daddy, hindi ko pa siya nabibisita. Siguradong maluluha ako pag nakita kong pinid na ang kanyang mga mata na alam kung sumubaybay sa aking paglaki, kahit na malayo siya sa aming magkapatid. Isa pa, hindi ko alam kung paano haharap sa kanyang tunay na asawa.

Hindi ko alam kung dapat ba akong pumunta. May masasaktan ba ako o may masasagasaang damdamin sa pagpunta ko doon? May magagalit kaya? May magsasabi kayang ako’y bastos at mapangahas?

Nagdesisyon akong magpunta, hindi dahil gusto kong ipaglaban ang karapatan ko bilang anak ni Daddy, ngunit gusto ko siyang makita habang may  panahon pa – kahit na nasa likod na siya ng salamin.

Pagpasok sa loob ng funeraria, nagmano sa asawa ni Daddy ang dalawang pinsan ko. “Tita, mano po,” sabi ni Kuya Jun-Jun at ni Marlon. Kitang kita ko ang mga magang mata niya. Ang kunot sa kanyang noo, bakas doon ang mga taon ng pagdurusa. Si Daddy kaya ang may kagagawan noon?

Nasa likod ako nina Kuya Jun-Jun at ni Marlon. Ako na ang magmamano. Hindi ako nagsalita, pero hinabol ko ang kamay niyang babagsak na sa kanyang gilid. Subalit pagkahawak ko’y bigla niyang inalis ang kanyang kanang kamay sa aking pagkakahawak. Galit siya. Alam kong nanlilisik ang kanyang mga mata nang makita ako. Pero bigla siyang tumalikod upang kausapin ang ibang nakikiramay. Gusto kong humingi ng tawad sa kanya. Sa mga kapatid ko. Sa mga nagawang pagkakamali ni Daddy. Hindi ko kagustuhan na maging kadahilanan ng kanilang samaan ng loob. Sa palagay ko, sa kanya umuuwi si Daddy. Siguro 40 taon din silang nagsama. Pero sa tinagal tagal ng panahon, bilang lang ang araw na masaya sila.

Alam niyang anak ako sa labas. Hindi ko na kinailangang magpakilala.

Sinulyapan ko si Daddy mula sa kanyang puting kabaong. Naisip ko pa nga magbiro – ang ganda ng pagkaka-make up sa kanya. Para lang siyang natutulog. Huling beses ko ata siyang nakitang tulog ay bata pa kami ni Allan.

Hindi ako naluha habang tinitignan siya. Alam kong may mga matang nakatingin sa’kin habang kinakabisado ko ang kanyang mukha, ang bukol sa kanang bahagi ng kanyang noo na gawa ng pagbagsak niya sa simento ng banyo nang inatake sya.

Matagal din akong nakatayo sa harap ng kanyang pansamantalang higaan. Pero hindi ako umiyak. Siguro’y iniisip ko pa rin na baka gumising siya at makita niyang dumalaw ako sa kanya.

Halos limang oras din akong nanatili sa funeraria. Kahit alam kong uwing-uwi na ang mga pinsan ko, pinagtiyagaan nila akong samahan. Nagpasya na lamang akong umalis nung narinig kong nakalapag na ang eroplano ni Kuya Mark mula sa Qatar. Isa pa, hindi ko na rin matiis ang mga mapanuring titig sa’kin ng mga kamag-anak ng asawa ni Daddy at ng isa ko pang mas nakatatandang kapatid na si Melissa.

Dumating ang araw na ihahatid na si Daddy sa kanyang huling hantungan. Inisip kong hindi na lang ako pupunta para wala nang gulo.

Alas-8 ng umaga, sinimulan na ang misa para sa namayapa.

Hindi ako pupunta.

Alas-9 ng umaga, dadalhin na siya sa sementeryo.

Hindi pa rin ako pupunta.

Alas-10 y media, papalapit na sila sa sementeryo.

Hindi ko natiis. Gusto ko masulyapan ang Daddy.

Pagdating ko doon, inanyayahan na ng mga madre ang mga dumalo sa libing upang masulyapan na siya sa pinakahuling pagkakataon. Nasa likod ako, sa malayo. Humihikbi. Pinipigilan ko ang aking sarili na lumapit. Buti pa ang mga kaibigan at officemates ni Daddy, nakita siya. Napatakan siya ng holy water. Gusto kong lumapit. Kadugo rin naman niya ako, sariling laman. Anak niya ako. Anak niya din ako.

Nanghina na ako. Masyado nang masakit para sa’kin mawalan ng isang ama sa mahabang panahon. Siguro’y naiisip din ng aking mga kapatid na mahabang panahon din silang walang ama, kahit na kasakasama nila si Daddy sa araw-araw.

Hindi ko na siya nakita. Hindi ko na muling masusulyapan ang Daddy ko na mapagmahal, maunawain, galante, at nagpakumbaba sa huli sa mga nagawa niyang kasalanan. Sinarado na ang kanyang himlayan at unti-unti nang binababa sa hukay. Isa-isang nag-alay ng bulaklak kay Daddy. Wala nang umiyak. Siguro’y tanggap na nila ang pagkawala ni Daddy.

At ako? Basang basa ng luha ang aking mga kamay. Marahil hindi nila namalayang inalayan ko rin si Daddy ng bulaklak dahil nakatitig sila sa pagsasarado ng nitso. Siguro, hanggang doon na lamang talaga. Paalam kay Daddy.

Simula noon, pinangarap ko nang makasama siya. Napakarami kong tanong. Gusto ko siyang mayakap. Gusto kong maipakilala ko siya sa mga kaibigan ko para malaman nilang may ama ako na kayang magsakripisyo para sa mga anak niya.

Nakapahinga na si Daddy. Ngayon, hindi na niya kailangang hatiin ang oras niya para sa lahat ng mga anak niya. Kung ilan man kami, hindi ko na alam. Tulad nina Kuya Mark at ng kanyang ina, nawalan din ako ng isang ama. Hinangad ko rin ang oras niya. Hinangad ko rin na makita siya araw-araw.

Ang isang bastardo, naghahangad din na mabuo ang kanyang pamilya – kahit imposible. Kahit sabihin pa ng tunay na nagmamay-ari kay Daddy na isa akong anak sa labas, hindi maikakailang isa akong anak na naghangad ng buong pagmamahal, ngunit biglaang nawalan ng pag-asa, na sa simula pa lamang ay hindi na nabigyan.

isinulat ni Jena D. Pastor, ika-3 ng Pebrero 2009


You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can leave a response, or trackback from your own site.

Leave a Reply